DFA, Nagpalabas ng Abiso Ukol sa Pagkuha ng Pasaporte

Print
Forex

05 May 2011 - Ipinaaabot ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas sa publiko na may mga kaukulang hakbang nang isinagawa upang matugunan ang pagkaantala sa pagbibigay ng mga pasaporte dulot ng hindi inaasahang pagtaas ng dami ng mga aplikante at iba pang mga teknikal na dahilan.

Bibigyan ng isang taong palugit (one year extension) ang bisa ng mga pasaporteng expired o malapit nang mag-expire ng mga aplikanteng may mga madaliang biyahe.

Walang bayad ang extension na ito habang hinihintay ng mga aplikante ang kanilang mga bagong electronic passport (ePassport).

Pinapayuhan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga aplikanteng nangangailangan ng agarang pansin (katulad ng pagpapagamot ng malubhang karamdaman o pagpanaw ng malapit na kapamilya) na tumungo sa tanggapan ng Passport Director para mabigyan ng nararapat na tulong. Matatagpuan ang tanggapan ng Passport Director sa unang palapag ng DFA-Office of Consular Affairs (DFA-OCA) sa Aseana Business Park, Macapagal Avenue sa Paranaque.

Nagtalaga ang DFA-OCA ng mas mahabang oras para sa patuloy na pagproseso ng pasaporte. Bukas ang DFA-OCA Lunes hanggang Biyernes, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi. Bukas din ito tuwing Sabado, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Pinapayuhan din ang publikong mag-apply ng kanilang mga pasaporte 12 linggo bago ang nakatakdang paglalakbay.

Ginagawa ng DFA ang lahat upang matugunan ang pagkaantala sa pagbibigay ng pasaporte sa lalong madaling panahon. Humihingi rin ito ng pang-unawa mula sa publiko, partikular na sa mga aplikante ng Regional Consular Offices (RCOs).

Para sa mga karagdagang tanong at impormasyon, maaaring tumawag sa DFA-OCA sa mga numerong (02) 737-1000 and (02) 556-0000, mag-e-mail sa oca@dfa.gov.pho di kaya'y bumisita sa website ng DFA sa www.dfa.gov.ph. END