|
P R E S S R E L E A S E |
DEKLARASYON NG PAGBUBUKLOD NG MGA SEKTOR NG LIPUNAN TUNGO SA DISENTENG TRABAHO PARA SA KASAMBAHAY
Social Compact
Signed at the conclusion of
the
First National Domestic Workers
Summit
21-23 September 2005, Skyline
Riverbend Hotel, Marikina City
Kami, ang mga opisyal at kawani ng mga ahensiya ng pamahalaan, organisasyon ng mga employers at mga negosyante, mga unyon at organisasyon ng mga manggagawa, mga non-government organizations, internasyonal na mga institusyon, at iba pang mga sektor ng lipunan ay:
Kinikilala, na ang mga kasambahay o domestic workers, sa loob o sa labas ng Pilipinas, ay isang napakalaki at importanteng sektor ng lipunan; na ang kanilang trabaho at serbisyo ay may mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng pamilya at lipunang Pilipino; at ang kanilang trabaho ay nararapat lamang na ituring na disente at pag-ukulan ng karampatang respeto; at bigyan ng halaga ang kanilang mga karapatan.
Gising, sa katotohanan, na dahil sila ay nakatago sa loob ng tahanan ng employer at karamihan sa kanila ay kabataan at kababaihan, o hindi mataas ang antas ng pinag-aralan, ang mga kasambahay sa loob at labas ng bansa, ay nakararanas ng mga paglalabag ng kanilang mga karapatan, naaabuso ng pisikal, sekswal at emosyonal, at dumadami ang mga batang kasambahay na nagiging biktima ng trafficking, sapilitang pagpapagawa, at pagkakatali sa utang;
Mulat, na ang mga kasambahay ay bulnerable sa abuso at parating may naka-ambang panganib habang sila ay nagtatrabaho; dahil dito nararapat lamang na palakasin ang mga polisiya at programa na nangangalaga at nagbibigay proteksyon sa kanilang mga karapatan bilang manggagawa; magkaroon ng patas na pasahod, benepisyo, at pamantayan kapalit ng kanilang serbisyo; at magkaroon ng mga programa at serbisyo na tutugon sa kanilang mga suliranin at magbibigay ng pagkakataon na mapaunlad ng mga kasambahay ang kanilang mga sarili;
Kinikilala, na karapatan ng mga kasambahay ang mag-organisa at magbuo ng asosasyon at magkaroon ng pagkakataon na makilahok sa mga usapin, desisyon, at gawain na para sa kanilang kapakanan at ng kanilang pamilya; na ang partisipasyon ng mga kasambahay at kanilang pamilya sa pagbubuo ng mga polisiya at programa ay magtitiyak na ang mga ito ay angkop at epektibo; kung kaya't nararapat lamang na ang kanilang partisipasyon ay hikayatin at suportahan ng lahat ng sektor;
Batid, na sandigan ng isang matiwasay at makataong lipunan ang matibay at nakabubuting relasyon sa pagitan ng employer at kasambahay; kung kaya't dapat ay ating hikayatin ang isang relasyon na kung saan ang mga kasambahay at employer ay may respeto at pagkilala sa karapatan at responsibilidad ng isa't isa;
Bilang tugon, kami ngayon ay nagbubuklod at nagsasama-sama upang maisulong ang mga polisiya at mga programa na magpapabuti sa kanilang kalagayan, na nakasaad sa Decent Work Agenda para sa mga Kasambahay na binuo ngayong National Domestic Workers Summit.
Sa mga NGOs, simbahan, faith-based organizations, media, at iba pang mga sektor ng iipunan
Kasama ng iba pang mga social partners, tutulong sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga programa at polisiya para sa mga kasambahay;
Palalawakin at ipapaalam ang
mga serbisyo na kasalukuyang pinapatupad upang agarang tumugon sa suliranin
at pangangailangan ng mga kasambahay.
Tutulong sa pag oorganisa at
tutulungan ang mga kasambahay na mapatibay ang kanilang mga hanay at makakuha
ng malawakang suporta;
Magpapatibay ng mga ugnayan at magbibigay ng mga mungkahi sa iba't ibang mga ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang mas epektibong tugon sa suliranin ng mga kasambahay.
Sa mga Internasyonal na Institusyon
Magkasundo, magkaisa sa layunin ng kasambahay upang suportahan, teknikal man, pinansiyal, o sa pagtataguyod (advocacy), ang mga sinusulong na gawain at reporma ng mga social partners sa Pilipinas;
Magiging instrumento sa pagpapaunlad ng kaalaman, kakayahan, at pagpapahalaga (values) sa layunin ng kasambahay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng karanasan sa Pilipinas at sa iba pang parte ng mundo sa pagsusulong ng kapakanan ng mga kasambahay.
Sa mga Anak at Ka-pamilya ng Kasambahay
Pauunlarin ang mga sarili upang maging produktibong mamamayan bilang pagpupugay sa sakripisyo ng mga magulang o ka-pamilya ng mga kasambahay;
Magiging isang tulay upang lalong mapatibay ang mga pamilya ng mga Kasambahay. Pag-oorganisa at pakikipag-ugnayan sa hanay ng mga anak at pamilya ng mga kasambahay.
Itala ang mga karanasan ng mga anak at pamilya upang maipalaman sa mga itinataguyod ng usapin ng kasambahay at ng kaniyang pamilya.
Sa mga Kasambahay
Kasama ng iba pang mga social partners, tutulong sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga programa at polisiya para sa mga kasambahay;
Pag-iibayuhin ang pag-papabuti sa sariling buhay upang maging tagumpay at maging ehemplo at inspirasyon sa kapwa kasambahay;
Pangangalagaan ang pagpapahalaga ng mga social partners sa pamamagitan ng pagkakaroon ng seryosong pagkilos tungo sa sariling pag-unlad;
Lalong pagtitibayin ang aming hanay upang maging epektibong tagapag-sulong ng kapakanan ng kasambahay;
Tutulak para sa mas mabuting relasyon sa employers at makapag-ambag upang ang mga kasambahay ay maging tunay na katuwang sa buhay ng mga employers;
Kami rin ay nangangako na gagawin ang mga sumusunod:
Sa mga Kawani at Opisyal ng Pamahalaan, Nasyonal man o Lokal
Kasama ng iba pang mga social partners, bubuo ng mga polisiya, batas, at mga regulasyon na halaw sa mga resulta ng National Domestic Workers Summit na siyang magiging gabay para sa mga gawain upang mapangalagaan at maitaas ang antas ng trabaho at kabuhayan ng sector;
Pag-amyenda at pagpapatupad ng Art. 29 at 30 ng RA 8042.
Bubuo, magpapatupad at paglalaan ng sapat na pondo sa mga ispesyal na programa upang matiyak na ang mga karapatan ng mga kasambahay ay mapapangalagaan at mabibigyan ng sapat na halaga ang kanilang kontribusyon;
Maglalaan at magbibigay ng oportunidad sa mga kasambahay na makilahok sa mga usapan at mga desisyon tungkol sa mga batas, polisiya, at programa na may direktang epekto sa kundisyon ng trabaho at antas ng kabuhayan ng mga kasambahay;
Siguraduhin ang pagpapatupad ng Anti-Trafficking Law, RA 8042, RA 7610 na nangagalaga at pumoportekta sa mga kasambahay at kanilang pamilya.
Lahat ng mga nabanggit ay ipapalaganap o "popularize" para sa lahat.
Sa mga Trade Unions at Samahan ng mga kasambahay
Kasama ng iba pang mga social partners, tutulong sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga programa at polisiya para sa mga kasambahay;
Pag-iibayuhin ang pag-oorganisa at pagbibigay ng tinig sa sektor upang ang mga ito ay maging instrumento sa pakikipag-negosasyon para sa patas at makatao na pasahod at benepisyo para sa mga kasambahay;
Pagyayamanin ang mga kasalukuyang pamamaraan ng pag-oorganisa at pagsasanay upang ang mga kasambahay ay maging mas produktibong mga kasapi ng lipunan.
Sa mga Employers at Industry Associations
Kasama ng iba pang mga social partners, tutulong sa pagbabalangkas, pagpapatupad at pagsiseguro na maipatupad (monitor) ang mga programa at polisiya para sa mga kasambahay;
Pai-igtingin ang pagtataguyod (advocacy) upang mapapalaganap ang mga alituntunin sa tamang relasyon at pagtrato sa mga kasambahay;
Maghihikayat sa hanay upang mapalawak ang mga programang pang-kagalingan at pagsasanay para sa ating mga kasambahay.
Pag-aralan at isalin sa mga
gawain ng mga employers at recuitment agencies ang mga batas na sumusuporta
at nagbibigay proteksyon, tulad ng Anti-Trafficking Law at RA7610. END